--Ads--

Pinaplano ng pamahalaang lungsod ng Cauayan na gawin muling operational ang isang hindi nagagamit na electic train na kasalukuyang nakaparada sa Barangay Cabaruan upang magsilbing alternatibong transportasyon sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi nito na isa sa kanilang pangunahing plano ay hatiin sa dalawa ang nasabing tren upang maging mas episyente ang operasyon nito. Ayon sa alkalde, masyado umanong mahaba ang buong tren para gamitin sa national highway kaya mas praktikal kung hahatiin ito at bibigyan ng tig-isang makina ang bawat bahagi.

Inihayag din ng alkalde na kasalukuyang inaayos ang ilang teknikal na problema ng tren habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang ahensya upang mapag-aralan ang maayos na implementasyon nito. Kabilang sa tinitingnang solusyon ang pagbili ng karagdagang makina upang mapagana ang bawat seksyon ng tren.

Kapag naging operational na, target ng pamahalaang lungsod na bigyang prayoridad ang mga Persons with Disabilities (PWDs), senior citizens, at mga estudyante sa paggamit nito. Gayunman, tiniyak ng alkalde na magkakaroon ng dayalogo sa hanay ng transport sector, partikular sa mga tricycle drivers, upang matugunan ang posibleng epekto nito sa kanilang kabuhayan.

--Ads--

Dagdag pa ng alkalde, isinasaalang-alang din ang magiging ruta ng tren upang madaanan ang mahahalagang tanggapan ng pamahalaan at iba pang ahensya, nang sa gayon ay mas mapadali ang pagbiyahe ng mga mamamayan na may mga inaasikasong dokumento.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang institusyon, kabilang ang mga state universities na may kahalintulad na proyekto, upang matiyak ang maayos at ligtas na muling pagpapatakbo ng nasabing tren.