--Ads--

Pormal nang sinimulan ngayong araw sa iba’t ibang paaralan sa Lungsod ng Cauayan ang enrollment at Brigada Eskwela para sa nalalapit na pagbubukas ng klase, kung saan dagsa agad ang mga magulang at estudyanteng nagpatala.

Sa Cauayan North Central School, abala ang mga guro, magulang, at mga volunteer sa paglilinis at paghahanda ng mga silid-aralan upang matiyak na magiging maayos at ligtas ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.

Ayon kay Ginoong Arthur Anog, President ng Teacher’s Association ng Cauayan North Central School, isinasagawa ang Brigada Eskwela mula June 1 hanggang June 5 katuwang ang iba’t ibang non-government organizations o NGO’s at mga benepisyaryo ng programang TUPAD na tumutulong sa paglilinis at pagsasaayos ng paaralan.

Malaki umano ang naitutulong ng mga volunteer at iba’t ibang organisasyon upang mapabilis ang paghahanda ng mga pasilidad bago magsimula ang klase. Kabilang sa kanilang mga ginagawa ang paglilinis ng mga classroom, pagkukumpuni ng mga upuan at kagamitan, pati na rin ang pag-aayos ng kapaligiran ng paaralan.

--Ads--

Samantala, sinabi rin ni Anog na magpapatuloy naman ang enrollment hanggang sa araw ng pagbubukas ng klase upang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga mag-aaral na hindi agad nakapagpatala.

Umaasa naman ang pamunuan ng paaralan na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga guro, magulang, at komunidad ay magiging handa ang mga paaralan para sa panibagong school year.