--Ads--

Bigong masungkit ni Filipina wushu artist na si Angel Polo ang medalya matapos magtapos sa ikalimang puwesto sa 4th Youth Olympic Games na ginaganap sa Dakar, Senegal.

Nakapagtala si Polo ng 9.250 puntos sa Taijiquan, subalit naapektuhan ang kaniyang kabuuang iskor matapos mawalan ng balanse at mahawakan ang sahig sa Taijishan event, kung saan nakakuha lamang siya ng 9.026 puntos.

Nasungkit naman ng Singaporean world champion na si Ng Zhe Nin ang gintong medalya matapos magtala ng pinagsamang 18.713 puntos, habang silver medalist ang Chinese Taipei bet na si Chu Yu En.

Bronze medal naman ang naiuwi ni Zhuo Mia Arelja Xianglin ng Germany.

--Ads--

Sa kabila ng hindi pagkakasungkit ng medalya, sinabi ni Polo na gagawin niyang aral ang karanasan upang mas mapabuti pa ang kaniyang performance sa mga susunod na kompetisyon.

Matatandaang nakasungkit si Polo ng bronze medal sa World Championships sa Tianjin, China noong Marso, kung saan kapwa rin niya nakalaban ang mga gold at silver medalist sa Youth Olympics.

Samantala, tututok na ang kampanya ng Team Philippines sa swimming, kung saan may natitira pang mga event sina Jamesray Mishael Ajido at Riannah Chantelle Coleman.

Nagsasanay na rin ang mga Filipino gymnast na sina Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III para sa kanilang pagsabak sa kompetisyon na nakatakdang magsimula sa Sabado.