
CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang estudyante matapos na mabangga ng pick up habang tumatawid sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay San Juan, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Ronnie Heraña, Investigation Officer ng City of Ilagan Police Station na isang menor de edad ang biktima at nag-aaral sa San Juan Elementary School.
Sa imbestigasyon ng pulisya, batay sa principal ng paaralan ay nakalock naman ang gate nila nang mangyari ang aksidente at nagulat na lamang sila dahil nakalabas ang bata.
Kanilang napag-alaman na lumabas ang bata para humingi ng pera sa kanyang mga magulang sa bahay nila na malapit lang sa paaralan at sa kabila ng daan.
Pagbalik nito ay doon na siya nabangga ng isang pick up na nakapangalan sa DSWD Region 2.
Batay aniya sa tsuper ng pick up, dahan-dahan siya sa pagmamaneho dahil nasa tapat sila ng paaralan at nagulat na lamang siya dahil biglang tumawid ang bata.
Hindi naman masyadong malakas ang pagkakabangga sa bata at ang tsuper na mismo ng pick up ang nagdala sa biktima sa pagamutan at nasa maayos ng kalagayan ngayon.
Ayon kay PCapt. Heraña, may pedestrian lane ang pinangyarihan ng aksidente dahil tapat ito ng paaralan.
Nagkaroon na ng pag-uusap ang dalawang panig at hindi na magsasampa ng kaso ang mga magulang ng bata at hiniling nalang na tulungan sila sa pagpapagamot sa kanilang anak at pumayag naman dito ang tsuper ng pick up.
Paalala ng pulisya sa mga magulang na bantayan at alalayan ang kanilang mga anak sa pagtawid sa mga lansangan lalo na tuwing papasok sa paaralan.




