--Ads--

Hindi pa nakahandang magpatupad ng dagdag-pamasahe ang administrasyong Marcos sa kabila ng panibagong malaking taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na umaasa ang Department of Transportation o DOTr na magiging huling opsyon ang fare hike habang sinusulit ng gobyerno ang mga subsidy at iba pang hakbang para matulungan ang mga tsuper at operator.

Patuloy aniya ang fuel discount at libreng toll para sa mga bus, habang pinag-aaralan din ang targeted subsidy para sa mga transport group sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon naman kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, patuloy na tumatanggap ng mga petisyon para sa fare increase ang LTFRB ngunit pinag-aaralan din kung paano mapapalawak ang fuel discount at maisama ang iba pang uri ng pampublikong transportasyon.

--Ads--

Samantala, tumaas kahapon ng P8.82 kada litro ang diesel, P4.88 ang gasolina at P6.47 ang kerosene. Ito na ang ikatlong sunod na major oil price hike ngayong buwan.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, inanunsyo naman ng grupong PISTON ang dalawang araw na transport strike sa Setyembre 29 at 30.