--Ads--

Umabot sa ₱31 kada kilo ang farm-gate price ng tuyong palay sa ilang bahagi ng Rehiyon II kasabay ng kasalukuyang anihan, ayon sa ulat ng Department of Agriculture Region 02 (DA-R2).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rose Mary Aquino, Regional Director ng DA-RFO 2, sinabi niyang sa lalawigan ng Isabela, naitala ang bentahan ng fresh palay sa halagang ₱22 kada kilo sa mga bayan ng Cabatuan, Luna, San Mateo, Ilagan City, Sta. Maria, Quirino, Alicia, Sto. Tomas, at Tumauini. Ang presyo naman ng tuyong palay ay naglalaro sa ₱27 hanggang ₱31 kada kilo, depende sa kalidad at lokasyon ng bentahan.

Aniya, ito ang kasalukuyang pinakamataas na presyo at inaasahan niyang hindi bababa sa ₱30 kada kilo, alinsunod sa hinihiling ng mga magsasaka.

Samantala, sa Nueva Vizcaya, ang farm-gate price ng fresh palay ay nasa ₱19.50 hanggang ₱24.50 kada kilo sa mga bayan ng Bagabag, Bayombong, Solano, at Villaverde. Wala pa namang naiulat na bentahan ng tuyong palay sa lalawigan sa kasalukuyan.

--Ads--

Bagaman tumataas ang presyo ng palay, nag-aalala ang ilan sa posibleng pagtaas ng presyo ng bigas. Ayon kay Dr. Aquino, kailangan balansehin ang presyo upang hindi mapagsamantalahan ang mga konsyumer, ngunit dapat ding tiyakin ang patas na kita ng mga magsasaka sa kasalukuyang cropping season.

Tungkol naman sa produksyon, umabot na sa 8,513.24 ektarya ang naaning palayan sa Nueva Vizcaya, na may katumbas na 26,765.90 metriko tonelada ng palay. Sa Isabela, 1,254.10 ektarya ang naani, na may kabuuang produksyon na 5,342.44 metriko tonelada.

Bagama’t hindi pa ganap na nagsisimula ang anihan sa Quirino at Cagayan, nakapagtala na ng kabuuang 9,777.34 ektarya ang naani sa mga nabanggit na lugar, na may produksyon na 37,335.28 metriko tonelada.

Patuloy na mino-monitor ng DA-RFO 2 ang galaw ng presyo at produksyon ng palay sa rehiyon upang matiyak ang sapat na suplay at patas na kita para sa mga magsasaka sa panahon ng anihan.