Kulang at nahuhuli umano ang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng El Niño sa mga magsasaka at mangingisda, ayon sa Federation of Free Farmers.
Ayon sa chairman of the board na si Ginoong Leonardo Montermayor may nakalaang 6.2 bilyong piso para sa iba’t ibang support activities para sa agriculture at fisheries sa natitirang bahagi ng 2026.
Kabilang dito ang fertilizer subsidy at fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng mataas na presyo ng production inputs.
Tinatayang nasa 10 milyon ang kabuuang bilang ng mga magsasaka at mangingisda sa Pilipinas, habang tinatayang nasa 300,000 lamang ang maaaring direktang makinabang sa naturang pondo.
Napansin din umano ng FFF na may pagkakahawig ang naturang El Niño Support Fund sa mga naunang programang inilaan ng pamahalaan bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng fuel at iba pang production inputs.
Gayunman, sinabi ng FFF na makatutulong pa rin ang karagdagang pondo, lalo na kung mapupunta ito sa mga magsasakang higit na nangangailangan.
Para naman sa prayoridad na paggagamitan ng pondo, sinabi ng FFF na mahalagang ipagpatuloy ang fuel at fertilizer subsidy, gayundin ang pagbibigay ng financial assistance sa mga magsasakang nahihirapang tugunan ang kanilang gastusin sa pagsasaka at pangangailangan ng pamilya.
Ngunit higit sa ayuda, binigyang-diin ng grupo ang pangangailangan ng mas maraming irrigation projects, partikular ang solar-powered irrigation systems.
Ayon sa grupo, makatutulong ang solar-powered irrigation dahil hindi na ito umaasa sa diesel o iba pang produktong petrolyo para sa pagpapatakbo ng mga irrigation pump.
Mahalaga rin umano ang pagtatayo ng water impounding facilities, rainwater collection systems at shallow tube wells na pinapagana ng solar power upang maging mas handa ang sektor ng agrikultura sa matagal na epekto ng El Niño.
Batay naman sa mga forecast na binanggit ng FFF, maaari pang maranasan ang malakas na epekto ng El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Samantala, sinang-ayunan ng FFF ang hinaing ng ilang magsasaka, kabilang ang mga nasa Isabela at iba pang bahagi ng Region 2, na hindi nila gaanong nararamdaman ang epekto ng nadadagdag na budget sa Department of Agriculture dahil sa mabagal na implementasyon ng mga programa.
Giit ng grupo, hindi dapat hintayin na maramdaman muna ang matinding epekto ng El Niño bago magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga pasilidad sa pag-iimbak ng tubig at pagkakaroon ng mga alternatibong sistema ng patubig.
Paliwanag ng FFF, maging ang cash assistance, fertilizer subsidy at fuel subsidy ay dapat na naipatupad na noong ikalawang quarter ng 2026, nang magsimula nang tumaas ang production costs sa sektor ng agrikultura.
Sa huli, sinabi ng FFF na kailangan ng mas maaga, mas sapat at mas pangmatagalang intervention ng pamahalaan upang hindi lamang umasa ang mga magsasaka sa ayuda sa tuwing may krisis sa agrikultura.










