Kinukuwestiyon ng Federation of Free Farmers (FFF) ang legal opinion ng Department of Justice na nagsasabing nag-expire na ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP noong June 30, 2014.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niyang ikinagulat nila ang DOJ Opinion No. 16, s. 2026, na inilabas noong March 9, partikular ang pahayag na tumigil na ang bisa ng mga probisyon ng Comprehensive Agrarian Reform Law.
Ayon kay Montemayor, hindi malinaw kung nangangahulugan ito na maging ang iba pang mandato ng Department of Agrarian Reform (DAR) ay wala na ring bisa, kabilang ang pagresolba sa agrarian disputes, pagbibigay ng support services sa agrarian reform beneficiaries at pag-apruba sa conversion ng agricultural lands.
Ipinaliwanag ni Montemayor na ang June 30, 2014 deadline ay tumutukoy sa pagtatapos ng panahon para sa acquisition and distribution ng natitirang private agricultural lands sa ilalim ng CARP, at hindi umano nangangahulugan na awtomatikong nawawala ang iba pang probisyon at tungkulin ng DAR.
Isa sa mga naging epekto ng naturang DOJ opinion ang usapin sa DAR clearance at retention limits sa paglilipat ng agricultural lands. Sa opinion, sinabi ng DOJ na hindi na kailangan ang Land Transfer Clearance mula sa DAR para sa ilang transaksyon sa agricultural lands matapos nitong ituring na nag-expire ang CARP.
Dahil dito, nagpahayag ng pangamba si Montemayor sa posibleng epekto nito sa mga magsasaka at sa pagpapatupad ng mga natitirang mekanismo ng agrarian reform.
Iginiit niyang mahalagang malinaw kung ang naturang legal opinion ay magiging polisiya rin ng buong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, sinabi ni Montemayor na humiling na ang kanilang grupo ng pagdinig sa mga komite sa agrarian reform ng Senado at Kamara upang masusing talakayin ang epekto at interpretasyon ng DOJ Opinion No. 16.
Hinihintay na lamang umano nila ang magiging aksyon ng mga naturang komite sa kanilang kahilingan para sa hearing.











