--Ads--

Pinuri ng Federation of Free Farmers (FFF) at MAGSASAKA Party-List ang Bureau of Customs (BOC) sa pagkakasabat sa dalawang shipment ng hinihinalang ipinuslit na bigas mula Vietnam na may kabuuang halos 20,000 metriko tonelada.

Ayon sa dalawang grupo, kabilang dito ang 12,500 metriko toneladang bigas na sakay ng barkong M/V Tay Son 2 at nakalaan sana sa Planters Products, Inc. (PPI). Pinigil ang shipment sa Port of Davao noong Setyembre 11 matapos bawiin ang sanitary and phytosanitary import clearance o SPSIC na inisyu ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture (DA).

Sinabi ni Federation of Free Farmers Chairman of the Board Leonardo Montemayor na sinubukan umanong tumakas ng barko, ngunit naharang ito ng Philippine Navy matapos ang ilang oras na pagtugis. Kalaunan, dinala ito sa General Santos City at ineskortan ng Philippine Coast Guard pabalik sa Davao City.

Samantala, nasabat din noong nakaraang buwan sa Port of Limay, Bataan, ang humigit-kumulang 7,400 metriko toneladang bigas mula Vietnam na sakay ng M/V Lucky Star 6 at nakalaan sa Krystal San Pedro Rice Mill. Ayon sa mga grupo, lumisan ang barko sa Vietnam lampas sa itinakdang deadline sa SPSIC nito.

--Ads--

Hiniling naman ng grupong MAGSASAKA na ipaliwanag ang pag-isyu ng SPSIC sa PPI sa kabila ng umiiral umanong patakaran ng DA na suspindihin ang pag-aangkat ng bigas mula Vietnam simula kalagitnaan ng 2026. Hiniling din ng mga grupo na linawin kung kinansela na ang permit ng Krystal San Pedro Rice Mill o nananatili itong balido.

Ayon naman kay FFF Chairman of the Board . Montemayor, ang PPI ay itinuturing ng Governance Commission for GOCCs na government-owned or controlled corporation at administratibong nasa ilalim ng kalihim ng DA. Gayunman, iginiit ng PPI na isa itong pribadong kumpanyang rehistrado sa Securities and Exchange Commission.

Batay sa rekord ng BPI hanggang Setyembre 24, pangalawa sa pinakamalaking rice importer sa bansa ang PPI, na may 287,729 metriko toneladang bigas, habang nasa ika-12 puwesto ang San Pedro Rice Mill na may 79,790 metriko tonelada.

Noong Agosto 26, nangako ang BOC, MAGSASAKA at FFF na magtutulungan sa pagbuo ng mga patakaran at hakbang laban sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultural.