Photo @ web
--Ads--

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Estados Unidos ang isang Filipinas nurse practitioner na tubong Tuguegarao City na nahaharap sa kasong healthcare fraud at money laundering matapos umano itong masangkot sa isang malawakang fraud scheme na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $906 milyon o mahigit P50 bilyon.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Rufino “Pinoy” Gonzales, sa USA, ang nasabing suspek na si Maricel Yukee ay isang nurse practitioner na may kapangyarihang magsagawa ng ilang tungkuling karaniwang ginagawa ng mga doktor, kabilang ang pagreseta ng gamot at pagbibigay ng medikal na rekomendasyon sa mga pasyente.

Ayon kay Gonzales, pinaniniwalaang sangkot si Yukee sa operasyon ng ilang hospice at healthcare facilities sa iba’t ibang estado ng Amerika kabilang ang Texas, California, Hawaii at Nevada, kung saan umano isinagawa ang mga iligal na transaksyon sa pamamagitan ng ghost billing at overbilling sa mga programang Medicare at TriCare.

Ipinaliwanag nito na sa ghost billing, nagsusumite ng bayarin para sa mga pasyente o serbisyong hindi naman aktuwal na naibigay habang sa overbilling naman ay pinalalabas na mas marami o mas mahal ang isinagawang medikal na serbisyo upang makasingil ng mas malaking halaga mula sa gobyerno ng Estados Unidos.

--Ads--

Dahil pondo ng pamahalaan ng Amerika ang umano’y nalustay, federal case ang isinampa laban sa kanya na nagresulta sa pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, negosyo, bank accounts at iba pang assets na pinaniniwalaang nagmula sa naturang operasyon.

Sinabi pa ni Gonzales na tinatayang umaabot sa mahigit P50 bilyon ang halaga ng umano’y fraud scheme at kabilang ito sa pinakamalalaking healthcare fraud cases na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Estados Unidos.

Nilinaw naman ni Gonzales na hindi dapat maapektuhan ng naturang insidente ang reputasyon ng mga Pilipinong nurse sa Amerika dahil patuloy na kinikilala ang kanilang husay at propesyonalismo sa larangan ng healthcare.