--Ads--

Ikinuwento ni Ginoong Loey Canceran, Chief Tanod ng Amobocan, Cauayan City ang naging pagresponde nila matapos matagpuan ang bangkay ng isang lalaki na palutang-lutang sa bahagi ng Cagayan River na sakop ng nasabing barangay, kahapon, Mayo 12.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Canceran na unang nakita ng ilang residente na nangingisda ang bangkay sa ilog dahilan upang agad nila itong ipagbigay-alam sa kanya.

Ayon kay Canceran, agad silang nagtungo sa lugar matapos matanggap ang report at doon nila nakitang palutang-lutang ang katawan ng lalaki sa ilog.

Sinabi nito na agad silang nakipag-ugnayan sa mga otoridad at iniahon ang bangkay para maisagawa ang kaukulang proseso.

--Ads--

Batay sa impormasyong kanilang natanggap, kinilala ang biktima na si Joel Labuguen, tinatayang 40-anyos at residente ng Purok 7, Barangay Canangan, Angadanan, Isabela.

Ayon pa kay Canceran, dalawang araw umanong nawawala ang biktima bago ito natagpuan sa ilog.

Dagdag pa ni Canceran, ito ang kauna-unahang pagkakataon na makaranas ng ganitong insidente sa kanilang lugar kaya labis din siyang nabigla sa naturang pangyayari.