--Ads--

Natagpuan ang bangkay ng isang 69-anyos na lalaki sa isang abandonadong bahay sa Diadi, Nueva Vizcaya matapos mapansin ng isang malapit na residente ang masangsang na amoy na nagmumula sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Darryl Marquez, Chief of Police ng Diadi Police Station, sinabi nitong nakilala ang biktima batay sa mga personal na gamit na natagpuan sa abandonadong bahay.

Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng aksidenteng nahulog ang biktima mula sa ikalawang palapag ng bahay na may tinatayang sampung talampakang taas.

Lumabas na ginagamit umano ng biktima ang naturang bahay bilang lugar upang magbihis matapos magmula sa kanyang sakahan bago magtungo sa palengke o magsimba. Mayroon umanong makitid at mapanganib na daanan na gawa sa kahoy at kawayan patungo sa naturang bahay.

--Ads--

Huli umanong nakitang buhay ang biktima noong Setyembre 2, bandang alas-11:00 ng umaga, nang magtungo ito sa kanyang sakahan.

Hindi umano agad ito naiulat na nawawala dahil may mga pagkakataong nananatili ang biktima sa kanyang sakahan nang ilang araw.

Tinatayang tatlo hanggang apat na araw nang patay ang biktima nang matagpuan at nasa estado na ng decomposition ang katawan.

Wala namang nakikitang foul play ang pulisya sa pagkamatay nito, maliban sa pinsala sa ulo na posibleng dulot ng pagkakahulog.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.