--Ads--

Nagbabala ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) Region 2 sa mga magsasaka kaugnay ng patuloy na pagkalat ng mga pekeng fertilizer at pesticide sa rehiyon, lalo na ngayong wet cropping season.

Matatandaang nasamsam ng mga awtoridad ang mga peke at hindi rehistradong abono at pesticide na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.4 milyon sa isang operasyon sa Barangay Sta. Isabel Norte, Ilagan City, Isabela noong unang araw ng Mayo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FPA Region 2 Regional Manager Leo Bangad, sinabi nito na isinagawa ang operasyon matapos ilabas ng korte ang search warrant sa isang bahay kung saan nadiskubre ang mga containerized fertilizer stock na hinihinalang ilegal na ginagawa at ipinapamahagi.

Ayon kay Ginoong Bangad, ang mga nasamsam na produkto ay walang kaukulang registration at certification, kaya’t posibleng magdulot ng pinsala sa pananim, pagkasira ng lupa, at panganib sa kalusugan ng mga mamimili kung makakarating sa merkado.

--Ads--

Lumitaw din sa imbestigasyon na ang fertilizer ay umano’y gawa mula sa fermented seaweed. Sa lugar ay nadiskubre rin ang mga kagamitang ginagamit sa paggawa nito tulad ng mga drum at container.

Giit ng FPA, ang pagsamsam sa mga iligal na produkto ay bahagi ng kanilang kampanya upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa posibleng pagkalugi at mapigilan ang pagkalat ng substandard na agricultural inputs.

Paalala ng ahensya sa mga magsasaka, bumili lamang ng mga farm inputs sa mga rehistradong agricultural supply stores at iwasan ang mga nag-iikot sa komunidad na nagbebenta ng abono at pesticide na posibleng peke.

Dagdag pa ng FPA, mahalagang tiyakin na rehistrado at dumaan sa masusing pagsusuri ng pamahalaan ang bawat produktong ginagamit sa pagsasaka upang matiyak ang kalidad at kaligtasan nito.