--Ads--

Matagumpay na isinagawa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Cauayan City ang isang fun run bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Environment Month na naglalayong isulong ang pangangalaga sa kalikasan at makalikom ng pondo para sa School for the Blind.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Lovelyn Arcega Dela Paz, Administrative Officer I ng CENRO Cauayan City, sinabi niya na layunin ng aktibidad na mapalawak ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran habang isinusulong ang pagtulong sa mga nangangailangan.

Ayon kay Dr. Dela Paz, may P200 registration fee ang bawat kalahok at ang lahat ng malilikom na pondo mula sa fun run ay ilalaan para sa kapakinabangan ng School for the Blind.

Aniya, bukod sa pagsusulong ng environmental awareness, nais din ng kanilang tanggapan na hikayatin ang mas maraming mamamayan na makiisa sa mga gawaing may positibong epekto sa kalikasan at sa komunidad.

--Ads--

Nagpasalamat naman ang CENRO Cauayan City sa mga indibidwal at grupong nakiisa sa aktibidad na naging daan upang pagsamahin ang adbokasiya para sa pangangalaga ng kalikasan at pagtulong sa kapwa.