--Ads--

Kinuwestiyon ng ilang magulang ang legal na batayan ng pamamahagi ng fundraising tickets sa isang elementary school sa Ramon, Isabela, para sa pagsasaayos ng stage ng paaralan.

Ayon sa isang magulang na itinago sa pangalang Boy, hindi niya tinututulan ang proyekto ngunit nais niyang matiyak na naaayon sa batas at mga patakaran ng Department of Education (DepEd) ang pangangalap ng pondo.

Sa ilalim ng Republic Act No. 4206, na inamyendahan ng Republic Act No. 5546, ipinagbabawal ang pagbebenta ng tickets at pangongolekta ng kontribusyon mula sa mga mag-aaral at guro, boluntaryo man o hindi, maliban sa mga eksepsiyong itinatadhana ng batas.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa principal ng paaralan at mga opisyal ng School Parent-Teacher Association (SPTA), ipinaliwanag ng mga ito na dumaan sa kaukulang proseso ang fundraising activity at inaprubahan umano ng Schools Division Office (SDO) bago ipatupad. Gayunman, tumanggi silang sumailalim sa taped interview.

--Ads--

Ayon sa pamunuan ng paaralan, layunin ng proyekto na makalikom ng pondo para sa pagsasaayos ng stage na gagamitin sa mga programa at seremonya. Iginiit naman ng SPTA na boluntaryo ang pagbili ng tickets at walang itinakdang halaga ng kontribusyon para sa mga magulang.

Kabilang sa sumusuporta sa proyekto si Winda Majia, isang magulang na nagsabing karamihan sa mga dumalo sa general meeting ay pumabor sa programa. Nanawagan din siya sa mga magulang na idaan sa tamang proseso ang anumang hinaing upang mapakinggan ang magkabilang panig.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 54, s. 2009, may mga alituntunin sa pangangalap ng boluntaryong kontribusyon at pagsasagawa ng mga proyektong pampaaralan. Muli ring binigyang-diin ng DepEd Memorandum No. 041, s. 2024, ang pagpapatupad ng No Collection Policy.

Gayunman, mahalagang matiyak na ang paraan ng pangangalap ng pondo, kabilang ang pamamahagi at pagbebenta ng fundraising tickets, ay naaayon sa batas at mga patakaran ng DepEd, kahit pa iginiit na boluntaryo ang kontribusyon at inaprubahan ang proyekto ng SDO.