Labis ang pagkadismaya ng ilang fish cage operator dahil sa nangyaring fish kill sa mga isdang handa na sanang anihin sa bahagi ng Magat Dam sa Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lorena Bulaay Dacuycuy, sinabi niyang humigit-kumulang 3,000 kilo ng isda ang naapektuhan sa kanyang fish cage na tinatayang nagkakahalaga ng P1 milyon hanggang P1.5 milyon. Samantala, aabot naman sa 12,000 hanggang 15,000 kilo ng isda ang naitalang naapektuhan ng fish kill sa fish cages ng kanyang mga magulang.
Aniya, nasa 25 hanggang 30 fish cage operators ang naapektuhan at pare-pareho silang nalulungkot dahil sa napakalaking pagkalugi na kanilang tinamo.
Kwento niya, nakarinig na sila ng mga ulat hinggil sa fish kill sa bahagi ng Ifugao noong Lunes. Gayunman, nagulat na lamang sila nang magsimulang mamatay at lumutang ang mga isda sa kanilang mga fish cages pagsapit ng Miyerkules hanggang ngayong Huwebes.
Ayon sa ilang eksperto na kanilang nakausap, posibleng kulang ang oxygen sa tubig at maaaring naging polluted ito dahil sa napakaraming putik na inanod patungo sa ilog. Dagdag pa niya, maaaring nakadagdag din sa problema ang kakulangan ng ulan at matinding init ng panahon.
Kasalukuyan nilang pinoproblema ang wastong pag-dispose ng mga namatay na isda dahil sa dami nito. Aniya, marami pa sa mga ito ang hindi pa naaalis sa fish cages dahil naghihintay sila ng tulong mula sa pamahalaan at iba pang kaukulang ahensya.
Dagdag niya, wala pa silang naibebentang isda dahil hinihintay pa sana nilang maabot ang tamang kondisyon ng mga ito para anihin, ngunit naunahan sila ng fish kill.
Ayon kay Dacuycuy, ngayon lamang nila naranasan ang ganitong insidente kaya hindi nila alam kung ano ang pinakamainam na hakbang upang maisalba ang natitira pa nilang mga fingerling.
Samantala, patuloy na nananawagan ang mga fish cage operator sa mga opisyal ng pamahalaan at iba pang kaukulang ahensya para sa agarang tulong at suporta dahil sa malaking pinsalang idinulot ng fish kill sa kanilang kabuhayan.










