Maayos na ang kalagayan ng singer na si Gigi De Lana matapos itong mawalan ng malay pagkatapos ng concert sa Samal Island City, Davao del Norte.
Ayon sa kanyang management team, matinding pagod ang dahilan ng pagkawala niya ng malay matapos ang kanyang performance sa harap ng maraming tao. Natumba siya habang pababa ng stage sa kanyang huling kanta.
Inilahad ng kanyang management na hindi mabuti ang pakiramdam ng singer ngunit pinili niyang tuparin ang kanilang commitment sa mga nanood ng kanyang concert. Agad siyang binigyan ng atensyon at pangangalaga, at sa kasalukuyan ay ligtas, stable, at nagpapahinga upang makabawi sa pagod.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi kinaya ng katawan ni Gigi De Lana ang pagod. Noong Buhangin! Arts and Music Festival Day 2 noong 2023, literal na nawalan siya ng malay habang kumakanta sa stage at nakaupo. Kitang-kita rin sa mga nagkalat na video na bigla siyang lumupaypay at nakaupo lamang nang lapitan siya ng kanyang mga kabanda. Agad siyang binuhat mula sa kinauupuan upang mabigyan ng first aid.
Ipinapaalala ng ibang followers niya na magpahinga rin si Gigi kapag may oras, at huwag labis na pilitin sa lahat ng raket. Mahalaga rin na isipin ang kalusugan at kapakanan ng singer.







