--Ads--

‎Nanawagan ang pamunuan ng Barangay Tagaran, Cauayan City sa publiko na magtulungan sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang lugar.

Hinikayat nila ang mga residente at mga bumibisita sa barangay na maging responsable sa tamang pagtatapon ng basura, partikular sa paligid ng Sports Complex.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi nito na prayoridad ng barangay ang pagpapanatili ng kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at mapanatiling maayos ang kapaligiran para sa publiko.

Ayon pa kay Acob, napansin nila nitong mga nakaraang araw ang pagdami ng naiiwang basura sa paligid ng sports complex. Aniya, ilan umano sa mga nagcacamping at tumatambay sa lugar tuwing hapon at gabi ang nag-iiwan ng kalat matapos mamasyal sa lugar.

--Ads--

Dahil dito, muling nanawagan ang pamunuan ng barangay sa publiko na pairalin ang disiplina at tamang pagtatapon ng basura upang manatiling malinis ang lugar na madalas puntahan ng mga residente at kabataan.

Bukod dito, sinabi rin ng barangay na nakikipag-ugnayan na sila sa Business Permit and Licensing Office o BPLO kaugnay sa ilang mga nagtitinda sa lugar na umano’y walang kaukulang permit.

Ayon kay Kagawad Acob, nagsagawa rin ng surprise inspection si Mayor Jaycee Dy. nitong nakaraang Sabado. Sa isinagawang inspeksyon, nakita umano na tila “pista” ang paligid ng sports complex tuwing gabi dahil sa dami ng mga taong namamasyal at nagpapahangin sa lugar.

Kinabukasan naman, tumambad umano ang nagkalat na basura sa paligid ng sports complex, dahilan upang paigtingin ng barangay ang pagbabantay sa lugar.

Aniya, tuwing alas-sais ng gabi ay umiikot na ang mga miyembro ng barangay at mga tauhan ng depensa upang magsagawa ng surveillance at paalalahanan ang mga tao tungkol sa wastong pag-uugali at kalinisan.

Samantala, isa rin sa mga hakbang na kanilang isasagawa ang paglalagay ng mga karatula sa paligid ng sports complex bilang paalala sa publiko na panatilihin ang kalinisan at kaayusan sa lugar.