Bilang paghahanda sa nalalapit na paglahok ng delegasyon ng Region 2 sa Palarong Pambansa, isinagawa ang isang send-off program para sa mga atleta, coaches at opisyal ng delegasyon sa Lungsod ng Santiago.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Benjamin Paragas, sinabi nitong sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang ecumenical mass bilang espiritwal na paghahanda ng mga delegado bago sumabak sa kompetisyon.
Ayon kay Paragas, layunin ng misa na palakasin ang pananampalataya at moral ng mga atleta at coaches upang maging handa sa kanilang mga sasalihang laro.
Matapos ang misa ay isinagawa ang send-off program sa Santiago South Central School kung saan kasalukuyang naka-billet ang mga delegado.
Tinatayang mahigit 400 atleta ang kabilang sa delegasyon ng Region 2 habang umaabot naman sa halos 700 ang kabuuang bilang kasama ang coaches at iba pang opisyal.
Umaasa naman si Regional Director Paragas na maipapakita ng mga delegado ang disiplina, sportsmanship at husay ng Region 2 sa nalalapit na Palarong Pambansa na gaganapin mula Mayo 24 hanggang Mayo 31 sa Agusan del Sur.











