Nakilala na ang ginang na natagpuang wala nang buhay kahapon, Hunyo 28 sa isang creek sa Barangay Labinab, Cauayan City.
Matatandaan na bandang alas-8:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng babae na hindi agad nakilala. Tanging ang kanyang kasuotan na orange na t-shirt at pulang jogging pants, taas na humigit-kumulang 5’2″, at buhok na hanggang balikat ang naging batayan sa paunang pagkilala sa kanya.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang anak ng biktima na si Honey Ace Velasquez upang kumpirmahin kung ang natagpuang bangkay ay kanyang ina.
Nakumpirma ng pamilya ang pagkakakilanlan ng biktima matapos ipakita ng mga awtoridad ang mga kuhang larawan ng bangkay na noo’y nasa advanced stage na ng decomposition.
Ayon sa pamilya, wala silang nakikitang foul play sa insidente dahil may Alzheimer’s disease umano ang biktima at hirap na rin itong makakita. Dahil dito, naniniwala silang aksidente lamang ang nangyari.
Dahil tinatayang dalawang araw nang nawawala ang biktima bago natagpuan at nasa advanced stage na ng decomposition ang kanyang katawan. Agad na itong inilibing sa San Francisco Cemetery.










