--Ads--

Hinikayat ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ang mga magsasakang naapektuhan ng El Niño na agad na magtungo sa kani-kanilang Municipal Agriculture Office (MAO) at munisipyo upang maitala at ma-validate ang lawak ng pinsala sa kanilang mga pananim.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi nitong kasalukuyan nang nagsasagawa ng damage assessment ang mga Municipal Agriculture Office katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga magsasakang tunay na naapektuhan at mabigyan ng kaukulang tulong mula sa pamahalaan.

Ayon sa gobernador, tanging ang mga magsasakang mapatutunayang nalugi ang mabibigyan ng ayuda kaya mahalaga ang maayos na validation. Binigyang-diin din niya na mananagot ang sinumang mapapatunayang tumanggap ng tulong kahit hindi naman naapektuhan ng tagtuyot.

Sinabi pa ni Gov. Albano na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, House Speaker Martin Romualdez at iba pang ahensya ng pamahalaan upang makapaglaan ng karagdagang pondo para sa mga magsasakang nasalanta ng El Niño.

--Ads--

Aniya, ihaharap nila sa national government ang resulta ng assessment upang mapabilis ang paglalabas ng tulong.

Samantala, sinabi rin ng gobernador na patuloy ang pagsasagawa ng mga proyekto sa Ilagan-Divilacan Road, kung saan prayoridad ang slope protection, pagpapalit ng mga tulay at iba pang flood mitigation structures upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Aniya, mayroon nang nakalaang mahigit ₱350 milyon para sa pagpapatuloy ng proyekto, kabilang ang karagdagang ₱100 milyon para sa slope protection.