Ibinida ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang kasalukuyang pagpapatayo ng isang food processing facility na layong tugunan ang oversupply ng mga produktong agrikultural sa lalawigan, kabilang ang mangga, pinya, pakwan at iba pang prutas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano III, sinabi nito na nakapag-import na ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga juicing machines upang maproseso ang sobrang ani ng mga magsasaka at maiwasan ang pagkasayang ng mga prutas tuwing may oversupply ng produksyon.
Ayon sa gobernador, ang naturang pasilidad ay makatutulong upang gawing juice at iba pang processed food products ang mga sariwang prutas, na magbibigay ng dagdag na kita at mas mahabang shelf life para sa mga produkto ng mga magsasaka sa Isabela.
Ayon pa sa pamahalaang panlalawigan, sinimulan na noong nakaraang buwan ang konstruksyon ng mga nasabing pasilidad, at inaasahang magiging operational ang ilan sa mga ito sa mga susunod na buwan, partikular ang juicing facility para sa mga produktong prutas ng Isabela.
Kasabay nito, ibinida rin ni Gov. Albano ang pagtatayo ng isang waste-to-energy facility na magko-convert ng mga basura bilang source ng kuryente.
Layunin ng proyekto na tugunan ang lumalalang problema sa solid waste management habang nakatutulong din sa pangangailangan ng enerhiya sa lalawigan.
Sinabi ng gobernador na ang proyekto ay inaasahang makakapagproseso ng tone-toneladang basura kada taon at makapagbibigay ng mas matatag na suplay ng kuryente sa Isabela at mga karatig-lugar.
Isasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng joint venture sa mga pribadong kumpanya, sa pakikipagtulungan din ng mga partner mula sa Japan at China, gamit ang makabagong teknolohiya upang makalikha ng kuryente, biogas, at iba pang kapaki-pakinabang na by-products.
Ilan dito ang mga recycled materials tulad ng plastic chairs na maaaring gawin mula sa ni-recycle na plastik.
Dagdag pa ni Gov. Albano, inaasahan na ang mga proyektong ito ay hindi lamang makatutulong sa pagbabawas ng basura kundi magpapalakas din ng lokal na suplay ng enerhiya at sa Isabela at maging sa mga karatig-lalawigan.











