--Ads--

Ikinatuwa ni Isabela Governor Rodito Albano ang pagkakatalaga kay Lt. Gen. Donald Gumiran, na tubong Cabagan, Isabela, bilang bagong Commanding General ng Philippine Army.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na isang malaking karangalan para sa lalawigan ang magkaroon ng isang Isabelino na mamumuno sa pinakamalaking sangay ng Armed Forces of the Philippines.

Aniya, ipinagmamalaki niya ang naging serbisyo at magandang rekord ni Gumiran sa militar.

Bagama’t minsan pa lamang umano niyang nakadaupang-palad ang heneral, sinabi ni Albano na kilala niya ang pamilya nito sa Cabagan at inilarawan si Gumiran bilang mabait, mahusay, at karapat-dapat sa naturang posisyon.

--Ads--

Naniniwala rin ang gobernador na may kakayahan pa itong maitalaga bilang Chief of Staff ng AFP sa hinaharap, subalit iginiit niyang dapat ipaubaya sa Diyos at sa tamang panahon ang anumang mas mataas pang tungkulin.

Samantala, sinabi ni Albano na malaking maitutulong ng pamumuno ni Gumiran sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan sa Isabela, na idineklara na ring insurgency-free ng Philippine Army.

Umaasa rin ang gobernador na mas mapapalakas ang pagtutulungan ng lalawigan at ng Philippine Army sa mga proyektong pangkaunlaran, kabilang ang pagtatayo ng mga kalsada, tulay, footbridges at mga paaralan sa mga liblib na lugar.

Dagdag pa niya, pinag-aaralan ng pamahalaang panlalawigan ang pagbibigay ng pagkilala kay Lt. Gen. Gumiran, posibleng sa susunod na pagdiriwang ng Bambanti Festival, bilang isa sa mga natatanging Isabelino na nagbigay ng karangalan sa lalawigan.