--Ads--

Personal na ipinaabot ni Isabela Governor Rodito Albano ang kanyang pasasalamat kay Japanese Emperor Naruhito para sa mga proyektong pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa lalawigan, partikular na sa modernisasyon ng agrikultura at disaster resilience.

Bagamat inamin ng gobernador na “napasabit” lamang siya sa delegasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa apat na araw na state visit nito sa Japan, sinamantala niya ang pagkakataon na makipag-ugnayan sa mga opisyal doon.

Kabilang sa mga partikular na ipinagpasalamat ni Albano ang itinayong rice center sa Cauayan City, gayundin ang kasalukuyang pag-aaral sa Cagayan River para sa desiltation nito at ang pagsusuri sa expiration ng dam.

Kasabay nito, pormal ding inanyayahan ng gobernador ang Emperor na bumisita sa probinsya ng Isabela, sa pag-asang ang mga nasabing proyekto ay lalong magbubunga para sa ikagaganda ng pamumuhay ng mga Isabeleño.

--Ads--

Pinag-aaralan din nila ngayon ang mga produktong maaring iexport sa Japan.

Nilinaw naman ni Gov. Albano na walang naging gastos ang pamahalaan ng Pilipinas sa naturang state visit ng Pangulo.

Ito ay dahil ang pamahalaan ng Japan ang mismong nag-imbita para sa opisyal na pagbisita, na naglalayong ipagdiwang din ang ika-70 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.