Walang pagbawi si Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III sa naging pahayag nito tungkol sa paglangoy na lamang ng mga natatakot dumaan sa nirehabilitate na Cabagan–Sta. Maria Bridge matapos itong bumagsak noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na wala naman umanong magagawa ang pamahalaang panlalawigan kung may mga motorista na matatakot pa ring dumaan sa inayos na bahagi o span ng tulay, sa kabila ng pagtiyak ng mga kinauukulan na maaari nang dumaan dito ang mga light vehicles.
Ayon sa gobernador, dumaan naman sa inspeksyon at pagsusuri ng mga engineer ang nasabing tulay bago ito muling binuksan para sa limitadong paggamit ng mga sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.
Matatandaan na sa isinagawang pagbubukas ng tulay, sinabi ni Gov. Albano na para sa mga ayaw dumaan sa tulay ay maaari naman umanong dumaan sa ilog at handa pa siyang magbigay ng salbabida sa mga ito.
Kasunod nito, umani ng reaksyon mula sa ilang netizens ang naturang pahayag ng gobernador kung saan may mga nagsabing hindi umano ito angkop o appropriate, habang binatikos naman ng ilan ang naging pananaw nito kaugnay sa paggamit ng tulay na dati nang bumagsak.











