Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos umanong saktan at tangkaing saksakin ng tinidor ang kanyang live-in partner noong gabi ng Mayo 12 sa Barangay Rizal, Santiago City.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Ben,” isang driver, habang ang biktima naman ay si alyas “Maria,” 37-anyos at kapwa residente ng nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon, nasa impluwensya umano ng alak ang suspek nang dumating sa kanilang bahay ang biktima at magbigay ng P1,000 sa kanilang employer. Dahil dito, nagselos umano ang suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo ng dalawa.
Sa kasagsagan ng kanilang away, sinuntok umano ng suspek ang biktima sa likod ng ulo.
Tinangka rin umano nitong saksakin ng tinidor ang likod ng leeg ng babae, ngunit naharang ito ng biktima gamit ang kanyang kamay na naging sanhi ng sugat.
Agad namang rumesponde ang mga barangay tanod ng Barangay Rizal na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Dinala muna ang lalaki sa barangay para sa mediation bago ito inendorso sa Police Station 2 para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 o Violence Against Women and Their Children Act.











