--Ads--

Inilahad ng Nagkaisa Labor Coalition (NLC) na isang government contractor ang isa sa mga humiling ng temporary restraining order (TRO) para harangin ang pagpapatupad ng P85 dagdag-pasahod sa Metro Manila.

Kinuwestiyon ng koalisyon ang pagkontra ng nasabing kumpanya dahil pinahihintulutan naman ng batas sa construction industry na ipasa sa mga kliyente ang karagdagang gastusin sa sahod ng mga manggagawa.

Binigyang-diin pa ng NLC na gobyerno mismo ang pangunahing kliyente ng kumpanyang ito, kung kaya’t wala silang sapat na basehan upang pigilan ang umento sa suweldo.

Matatandaang pinaboran ng Pasig Regional Trial Court ang petisyon ng ilang construction companies kaya nagpalabas ito ng TRO noong Hulyo 30 na pansamantalang nagpapatigil sa implementasyon ng P85 wage increase sa National Capital Region hanggang Agosto 13.

--Ads--

Sa kabila nito, siniguro ni Labor Secretary Francis Tolentino na gumagalaw na ang pamahalaan at gumagawa ng mga legal na paraan upang matuloy ang umento at maipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawa.