Nagulat ang grupo ng mga magsasaka sa inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng planong ₱53 na Suggested Retail Price (SRP) para sa lokal na bigas, gayundin ang posibleng dalawang buwang extension ng ₱50 price cap sa imported rice na pumapasok sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na hindi man lamang umano ipinatawag o kinonsulta ang kanilang sektor bago inanunsyo ang naturang polisiya upang maiparating nila ang panig ng mga magsasaka.
Ayon kay Montemayor, nais nilang ipaliwanag ng DA kung ano ang nakikita nitong magiging positibong epekto ng SRP sa locally produced rice, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng farm inputs tulad ng abono, binhi, krudo, at iba pang gastusin sa produksyon.
Giit niya na kung kokontrolin ang retail price ng lokal na bigas, posible itong magkaroon ng downward effect sa farmgate price ng palay, na maaaring magresulta sa mas mababang kita para sa mga magsasaka.
Aniya, nangangamba ang kanilang grupo na kapag bumaba ang presyo ng pagbili ng mga local traders at millers ng palay habang mataas naman ang gastos sa produksyon, ay lalo lamang mahihirapan ang mga local rice farmers na makabawi sa kanilang puhunan.
Binigyang-diin din ni Montemayor na mahalagang magkaroon muna ng konsultasyon sa lahat ng stakeholders sa sektor ng agrikultura bago magpatupad ng mga polisiya na may direktang epekto sa presyo ng bigas at kabuhayan ng mga magsasaka.
Samantala, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, minimal lamang ang magiging epekto ng itatakdang ₱53 na Suggested Retail Price (SRP) para sa lokal na bigas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SINAG Chairman Rosendo So, sinabi niya na sa ₱53 na retail price ng bigas, tinatayang nasa ₱27 kada kilo ang katumbas na presyo ng tuyong palay, habang nasa ₱25 naman para sa fresh o bagong ani.
Ayon sa kanya, pasok pa rin ito sa makatarungang presyo para sa mga magsasaka, lalo na’t may mga tulong o ayuda pa mula sa pamahalaan na ibinibigay bilang suporta sa sektor ng agrikultura, partikular na sa gitna ng epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Dagdag pa ni So, isa sa pangunahing hamon na kinakaharap ng mga magsasaka ay ang mataas na presyo ng farm inputs, lalo na ng abono o fertilizers, na patuloy na nakakaapekto sa kanilang gastos sa produksyon.











