Ikinabahala ng mga rice millers sa Region 2 ang patuloy na pagbaba ng presyo ng palay at ang umano’y pagdagsa ng imported na bigas sa bansa na lalo umanong nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ernesto Subia, President ng Rice Millers Association Region 2, sinabi nito na tila mas napapaboran umano ang mga dayuhang magsasaka dahil hindi nabibili sa makatarungang presyo ang lokal na palay.
Ayon kay Subia, nasa P23 kada kilo lamang ang support price ng palay nang simulan ng pamahalaan ang procurement, na aniya’y hindi sapat upang mabawi ng mga magsasaka ang kanilang puhunan.
Iginiit din nito na dapat ay nag-aangkat lamang ng bigas ang bansa kung may kakulangan sa suplay, ngunit patuloy umano ang pagpasok ng imported na bigas kahit may sapat na produksyon mula sa mga lokal na magsasaka.
Binigyang-diin pa nito na mataas na ang gastos sa pagsasaka dahil sa pagtaas ng presyo ng abono, krudo at iba pang farm inputs, ngunit nananatiling mababa ang presyo ng pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.
Dahil dito, nanawagan si Subia sa pamahalaan na magpatupad ng mas matibay na suporta para sa sektor ng agrikultura at tiyaking mabibigyan ng makatarungang presyo ang mga lokal na magsasaka upang hindi sila tuluyang mawalan ng interes sa pagtatanim.
Ayon pa kay Subia, kung mananatiling mababa ang presyo ng palay, mas mabuti pa umanong huwag nang magtanim ang mga magsasaka dahil patuloy lamang silang nalulugi sa kanilang kabuhayan.









