--Ads--

Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng price ceiling sa imported na bigas sa loob ng 30 araw.

Batay sa inilabas na Executive Order No. 118 ng Malacañang, itinakda ang maximum retail price ng imported na bigas na may limang porsiyentong basag na butil sa P50 kada kilo.

Ang hakbang ay kasunod ng rekomendasyon ng National Price Coordinating Council upang matiyak na mananatiling abot-kaya ang presyo ng bigas at mapanatili ang katatagan sa merkado.

Ayon sa EO, may kapangyarihan ang Pangulo sa ilalim ng Price Act na magtakda ng price ceilings sa mga pangunahing bilihin kapag may hindi makatwirang pagtaas ng presyo.

--Ads--

Binigyang-diin din sa kautusan ang pangangailangang protektahan ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantalang negosyante at tiyakin ang sapat na suplay ng bigas sa merkado.

Inatasan naman ang Department of Trade and Industry at Department of Agriculture na mahigpit na ipatupad ang price ceiling at bantayan ang anumang hindi normal na paggalaw ng presyo sa mga pamilihan.