Nakatakdang mamahagi ang City Agriculture Office ng Cauayan City ng hybrid rice seeds at fertilizer sa ilalim ng direktiba ng Department of Agriculture o DA mula Oktubre 14 hanggang 30, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, sinabi niyang pinaaga ang pamamahagi ng mga binhi upang agad na makapagtanim ang mga lokal na magsasaka, lalo na sa harap ng banta ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Nilinaw ni Engr. Alonzo na ang mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA lamang ang kwalipikadong makatanggap ng naturang ayuda.
Ang pagpaparehistro sa RSBSA ay isa sa mga pangunahing kinakailangan upang makinabang sa crop insurance, libreng pataba at seed subsidy mula sa DA na ipinagkakaloob sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan.
Para sa mga nais magparehistro, kinakailangan lamang na magpalista sa kani-kanilang barangay.
Ang mga barangay naman ang makikipag-ugnayan sa City Agriculture Office para sa pagproseso ng mga aplikasyon, na sasailalim sa assessment at verification ng LGU upang matukoy ang kwalipikado sa programa.
Kasabay nito, hinimok ng City Agriculture Office ang mga magsasaka na isaalang-alang ang pagtatanim ng mga alternatibong pananim na hindi nangangailangan ng malaking suplay ng tubig upang mabawasan ang posibilidad ng pagkalugi habang nararanasan ang epekto ng El Niño.










