Sinikap ng ilang senior citizen na magsasaka na personal na makuha ang kanilang ayuda mula sa Department of Agriculture (DA) sa FL Dy Coliseum, Cauayan City sa kabila ng kanilang karamdaman at hirap sa paglalakad, sa isinagawang pamamahagi ng tig-P2,325 na ayuda kahapon, Hunyo 9.
Ang naturang tulong-pinansyal ay mula sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) na layong makatulong sa mga rehistradong corn farmers sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Anselmo Ancheta, isang 78-anyos na magsasaka mula sa Barangay Andarayan, Cauayan City, sinabi niyang pinilit pa rin niyang pumunta upang personal na kunin ang ayuda dahil malaking tulong ito sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay Ancheta, ipinaalam sa kanila na ang mismong nakapangalan sa masterlist ang dapat tumanggap ng ayuda upang maiwasan ang anumang anomalya sa pamamahagi. Dahil dito, nagtungo siya sa venue kasama ang kanyang anak.
Aniya, mas makabubuti sana kung maaaring ihatid na lamang sa kanilang tahanan ang ayuda o kaya naman ay payagan ang awtorisadong kinatawan na tumanggap nito, lalo na para sa mga benepisyaryong may edad na at nahihirapan nang bumiyahe.
Sa kabila nito, nagpasalamat si Ancheta sa natanggap na ayuda na aniya’y malaking tulong para sa pagbili ng kanyang mga pangunahing pangangailangan, kabilang na ang kanyang mga gamot.











