Naghahanda ang pamahalaang lungsod ng Cauayan para sa inaasahang epekto ng El Niño, kabilang ang pamamahagi ng libreng binhi at paghahanda ng karagdagang suplay ng tubig para sa mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng Cauayan City, sinabi niyang inaasahan ang pagdating ng hybrid at inbred rice seeds mula sa Department of Agriculture na ipamamahagi sa mga rice farmers na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Nasa 9,600 hectares ang alokasyon para sa hybrid rice at 900 hectares naman para sa inbred rice. Isasagawa umano ang pamamahagi matapos makumpleto ang delivery at inspeksyon ng DA, bago ang planting season.
Hinihikayat din ang mga magsasaka na subukan ang mga pananim na mas nangangailangan ng kaunting tubig, gaya ng munggo. Tatlong magsasaka na rin umano ang nagpahayag ng interes na magsagawa ng munggo seed production at bibigyan ng seminar tungkol dito.
Samantala, naghahanda rin ang City Agriculture Office para sa pagtatayo ng drilling wells para sa mga magsasakang nangangailangan ng karagdagang mapagkukunan ng tubig. Kabilang sa prayoridad ang marginalized farmers, mangingisda at mga magsasakang malapit sa irrigation canals, na maaari ring makinabang sa mga itatayong balon.
Hinikayat naman ni Engr. Alonzo ang mga magsasaka at farmers’ cooperatives na magsumite ng resolusyon sa tanggapan ng mayor o vice mayor kung nais nilang magkaroon ng drilling well sa kanilang sakahan at makipag-ugnayan sa City Agriculture Office para sa proseso at mga kinakailangang requirements.











