--Ads--

Isang 35-anyos na guro ang natagpuang wala nang buhay sa Barangay Ipil, Echague, Isabela nitong madaling araw ng Mayo 9.

Kinilala ang nasawi na si alyas “Rodel” binata at residente ng nasabing barangay, at tubong Quirino province.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nadiskubre ang biktima bandang alas-4:45 ng madaling araw ng isang concerned citizen sa isang puno ng mangga sa lugar.

Agad itong ipinagbigay-alam sa mga kapitbahay at sa barangay officials na siya namang nag-ulat sa pulisya.

Rumesponde ang mga tauhan ng Echague Municipal Police Station at nakipag-ugnayan sa Forensic Unit ng Santiago City upang isailalim sa masusing imbestigasyon ang lugar ng insidente at makalap ang mga kinakailangang ebidensya.

Dinala pa sa pagamutan ang biktima sa pag-asang maisalba ang buhay nito, ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng dumating na doktor.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang buong pangyayari at iba pang posibleng anggulo sa insidente.