--Ads--

Tinanggihan ni Hezbollah deputy leader Naim Qassem ang nakatakdang pagpupulong sa pagitan ng gobyerno ng Lebanon at Israel sa United States at sinabi niyang walang saysay ang ganitong hakbang sa gitna ng patuloy na paglala ng mga pag-atake ng Israel sa Lebanon.

Sa isang televised speech, nanawagan si Qassem sa gobyerno ng Lebanon na huwag dumalo sa planong pag-uusap at igiit ang tinawag niyang makasaysayan at makabayang paninindigan.

Aniya, ang naturang inisyatiba ay itinutulak umano upang pilitin ang Hezbollah na magbaba ng armas.

Nakatakdang magpulong sa Washington, D.C. ngayong Martes ang mga embahador ng Lebanon at Israel sa Estados Unidos upang talakayin ang posibilidad ng direktang negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

--Ads--

Sinabi ni Qassem na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na igiit ang disarmament ng Hezbollah.

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng Israel at Lebanon matapos ang panibagong pagsiklab ng karahasan noong unang bahagi ng Marso, kasunod ng mga rocket attack na iniugnay sa Hezbollah.

Ayon sa mga ulat, umabot na sa higit 2,055 ang nasawi sa Lebanon mula sa mga pag-atake, kabilang ang mga sibilyan, bata, at mga medical worker, habang libo-libo rin ang sugatan at milyon ang nawalan ng tirahan.

Iginiit ng Lebanon na prayoridad ang pagpapanumbalik ng tigil-putukan, habang patuloy naman ang panawagan ng Israel para sa pormal na negosasyon na nakatuon sa isyu ng disarmament ng Hezbollah.