--Ads--

Tinatayang mahigit P82.7 milyong halaga ng hindi nabayarang buwis mula sa mga hinihinalang smuggled na sigarilyo ang nasabat sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Internal Revenue (BIR) dakong alas-3:30 ng hapon nitong Hunyo 25, sa isang TD hotel sa Barangay District 1, Cauayan City.

Pinangunahan ito ng mga tauhan ng Cauayan Component City Police Station katuwang ang Bureau of Internal Revenue Regional Office No. 2, Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 2, Regional Maritime Unit 2, Regional Intelligence Unit 2, Regional Investigation and Detective Management Division 2, Provincial Intelligence Unit ng IPPO, Regional Forensic Unit 2 at 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company.

Bago ang operasyon, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta at distribusyon ng mga smuggled na sigarilyo na isinasagawa ng ilang Chinese nationals sa lungsod. Agad itong isinailalim sa validation, surveillance at intelligence monitoring na nagresulta sa pakikipag-ugnayan sa BIR para sa beripikasyon at pagsasagawa ng kaukulang legal na aksyon.

Sa isinagawang inspeksyon sa dalawang silid ng hotel, nakumpiska ang kabuuang 202 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo kabilang ang 178 kahon ng Bon International Nise Red, 20 kahon ng Modern 100’s Green at apat na kahon ng Bon International Nise Blue.

--Ads--

Batay sa pagsusuri ng mga operatiba at ng BIR, umabot sa P82,713,366.52 ang kabuuang halaga ng hindi nabayarang buwis ng mga nakumpiskang sigarilyo. Posible umanong may paglabag ito sa National Internal Revenue Code at sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law kaugnay ng ilegal na kalakalan ng tobacco products.

Kasunod ng operasyon, nakilala ang tatlong Chinese nationals na posibleng may kaugnayan sa umano’y smuggling operation. Sila ay kinilalang sina alyas “Sony,” 30 taong gulang at walang asawa; alyas “Bin,” nasa tamang edad at walang asawa; at alyas “Liz,” na pawang residente ng Barangay District 1, Cauayan City.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng BIR Regional Office No. 2 ang lahat ng nakumpiskang ebidensya para sa tamang dokumentasyon, disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nasasangkot.