Iginiit ng isang opisyal ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. na hindi sapat ang 60-day restriction sa pag-angkat ng imported na baboy upang matugunan ang krisis na kinakaharap ng mga lokal na magbababoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rolando “Nonon” E. Tambago, Vice Chairman ng naturang pederasyon, sinabi niyang mas makabubuting palawigin sa 200 araw ang restriction upang higit na maprotektahan ang lokal na industriya.
Ayon kay Tambago, posibleng manatiling mababa ang farmgate price ng baboy sa mga susunod na buwan dahil sa malaking suplay sa bansa, kung saan umaabot sa ₱155 kada kilo ang average sa Luzon, ₱140 sa Visayas at ₱105 sa Mindanao.
Aniya, nasa ₱198 kada kilo ang cost of production, dahilan upang malugi ang mga lokal na hog raisers.
Kaugnay nito, nanawagan siyang ibalik ang dating taripa sa imported na baboy na 30 porsiyento para sa in-quota imports at 40 porsiyento para sa out-quota imports upang mabigyan ng patas na kompetisyon ang mga lokal na producer.
Binigyang-diin din niyang hindi lamang mga magbababoy ang maaapektuhan ng krisis kundi maging ang mga magsasaka ng mais at palay na nagsusuplay ng mga sangkap sa feeds.











