--Ads--

Dumulog sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang mga hog raiser sa lalawigan upang humingi ng tulong sa patuloy na pagbaba ng presyo ng liveweight ng baboy na iniuugnay nila sa pagdami ng imported na karne.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jayson Sando Hullana, pangulo ng Nueva Vizcaya Hog Raisers, sinabi nitong bumagsak na sa ₱120 kada kilo ang presyo ng liveweight kaya nananawagan silang magtakda ng ₱200 kada kilo bilang floor price upang makatulong sa gastusin sa feeds at iba pang pangangailangan.

Ayon kay Hullana, kahit sa presyong ₱200 kada kilo ay nasa ₱2,000 hanggang ₱3,000 lamang ang maaaring kitain sa bawat baboy.

Napag-usapan din umano ang pagtatakda ng hanggang ₱100 na price margin na maaaring idagdag ng mga meat vendor sa presyo ng karne sa pamilihan.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Hullana na marami nang hog raiser sa lalawigan ang tumigil sa pag-aalaga ng baboy dahil sa hirap na tustusan ang kanilang mga alaga.

Sa kabila nito, sapat pa naman umano ang suplay ng baboy sa lalawigan hanggang sa susunod na taon, habang bumababa na rin ang porsiyento ng mga kaso ng African Swine Fever o ASF.

Samantala, bagama’t naitala na ang kanilang panawagan para sa financial assistance, wala pang katiyakan kung maipagkakaloob ito dahil kailangan pa itong pag-aralan ng pamahalaang panlalawigan.