Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na hindi matitinag o mapipigilan ng pahayag ng mga dayuhang aktor ang Senado sa paggamit ng mga resolusyon bilang lehitimong paraan upang ipahayag ang kanilang mga hinaing tungkol sa mga aksyon na nakakaapekto sa batas, soberanya, at pambansang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Hontiveros, bahagi ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon ang paggamit ng mga legal na instrumento, kabilang ang mga Senate resolution, upang ilahad ang mga isyung ito, kahit pa marami ang kumokontra.
Aniya, ang totoong problema ng Pilipinas ay hindi ang mga komentong mula sa Chinese Embassy sa social media, kundi ang mapang-api at agresibong kilos ng PLA Navy, Chinese Coast Guard, at Maritime Militia sa West Philippine Sea, tulad ng paggamit ng water cannon sa mga mangingisda, panghaharang sa kalayaan ng pag-navigate sa sariling Exclusive Economic Zone, at pagsalpok sa mga barko ng Pilipinas.
Binigyang-diin niya na bukas ang bansa sa kooperasyon, palitan ng opinyon, at mapayapang resolusyon ng mga alitan, ngunit kinakailangang ipakita muna ng pamahalaan ng China ang mabuting intensyon sa pamamagitan ng pagtigil sa pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.
Nanawagan din si Hontiveros sa mga Pilipino na maging mapagmatyag sa mga pekeng impormasyon at mapanlinlang na naratibo, partikular na sa social media, at huwag pahintulutan ang mga dayuhan na maghasik ng pagkakawatak-watak sa bansa.











