Handa umanong sumunod ang House prosecution panel sa anumang direktibang ilalabas ng Senate impeachment court kaugnay ng mga panayam at iba pang public engagements ng mga abogado na sangkot sa impeachment proceedings.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution panel, handa ang prosekusyon na isaayos ang kanilang mga aktibidad alinsunod sa magiging kautusan ng impeachment court.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Senate impeachment court presiding officer Senador Francis “Chiz” Escudero na naghahanda siya ng isang kautusan at babala kaugnay ng mga umano’y paglabag sa mga alituntunin ng korte na nakita sa ilang social media posts ng mga abogado na kabilang sa magkabilang panig ng kaso.
Lumutang ang usapin matapos kwestiyunin ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang isang social media post ni private prosecutor Amando Virgil Ligutan tungkol sa paggamit ng mga mapanlinlang o misleading na tanong sa impeachment trial.
Sa naturang post, ipinaalala ni Ligutan ang isang pangunahing prinsipyo sa batas na hindi pinahihintulutan ang misleading questions, kabilang na sa cross-examination.
Binigyang-diin naman ni Adiong na dapat mapanagot ang sinumang lalabag sa mga patakaran ng Senate impeachment court, anuman ang panig na kanilang kinakatawan.
Iginiit din niya na ang pagpapanatili ng integridad ng impeachment court ay dapat ipatupad nang patas at hindi pinipili kung sino ang sasawayin o pananagutin.











