--Ads--

Umaasa ang House prosecution panel na bibigyan ng Senado ng buo at patas na pagdinig ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, habang inaasahang magtitipon ngayon ang Senado bilang impeachment court.

Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, na tagapagsalita ng panel, naniniwala silang magiging bukas ang isipan ng mga senator-judges sa pagtingin sa mga ebidensya mula sa parehong panig ng prosekusyon at depensa.

Sinabi rin ni Ridon na nakahanda ang 11-member House prosecution panel, sa pangunguna ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, para sa isang ganap na paglilitis at hindi lamang simbolikong pagdinig.

Nakatakda ring makipagpulong ang grupo sa bagong Senate President na si Alan Peter Cayetano upang pag-usapan ang mga tuntunin ng impeachment trial.

--Ads--

Dagdag pa ni Ridon, hahatiin ng prosecution panel ang kanilang trabaho batay sa iba’t ibang grounds ng impeachment, kung saan bawat prosecutor ay may partikular na bahagi ng kaso na ihaharap.

Samantala, sinabi ni Polytechnic University of the Philippines sociology professor Louie Montemar na maraming Pilipino ang naniniwalang may kaugnayan ang nangyaring “Senate coup” noong nakaraang linggo sa pagkaantala ng impeachment proceedings laban kay Duterte.

Ayon kay Montemar, hindi basta naniniwala ang publiko sa paliwanag ng mga pulitiko at marami ang nag-iisip na isinagawa ang pagbabago sa Senado upang maantala ang impeachment process.

Iginiit din niya na kailangan ng konkretong hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Senado, kabilang na umano ang pagbibitiw ni Cayetano bilang Senate President dahil sa umano’y pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa liderato ng Senado.