--Ads--

Umakyat na sa 53 ang bilang ng mga nasawi habang nasa 200 naman ang sugatan sa pag-atake ng Houthi rebels gamit ang ballistic missiles sa al-AIam military camp sa Shabwa governorate sa katimugang Yemen nitong Lunes.

Ayon sa lokal na awtoridad, tatlong ballistic missile ang pinakawalan ng grupong suportado ng Iran sa kampo habang nagsasagawa ng pagsasanay ang mga bagong recruit ng puwersang panseguridad.

Una nang iniulat ng mga opisyal ng pamahalaan ng Yemen at mga medical personnel na nasa 18 ang nasawi at mahigit 30 ang sugatan, ngunit kalaunan ay tumaas ang bilang ng mga biktima.

Kinondena ni Rashad al-Alimi, pinuno ng Presidential Leadership Council ng Yemen, ang pag-atake at nangakong magbibigay ng matatag na tugon. Aniya, mga bagong recruit ang karamihan sa mga nasawi.

--Ads--

Inako naman ng Houthi rebels ang responsibilidad sa pag-atake at iginiit na ang kanilang target ay isang kampo ng militar na suportado ng Saudi Arabia.

Naganap ang insidente sa gitna ng muling paglala ng labanan sa Yemen sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan na suportado ng Saudi Arabia at ng Houthi rebels, matapos muling uminit ang tensyon sa rehiyon.