--Ads--

Inirerekomenda ng Isabela Anti-Crime Task Force o IACTF na ipagpatuloy ang pagtanggal ng mga higaan sa loob ng mga istasyon ng pulisya dito sa lalawigan ng Isabela upang matiyak na aktibo ang mga kapulisan sa pagpapatrolya at hindi lamang natutulog sa loob ng himpilan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza Sr., na siya ring Advisor ng Isabela Police Provincial Office, sinabi nito na tuloy-tuloy pa rin ang pagpapatupad ng pagbabawal sa mga higaan lalo na kung nagiging dahilan ito upang maapektuhan ang pagtupad sa tungkulin ng mga pulis.

Ayon kay Atienza, mahalagang paigtingin ang police visibility upang matakot ang sinumang may balak gumawa ng krimen dahil nakabantay ang mga otoridad.

Dagdag pa niya, makatutulong din ito upang maiwasan ang mga heinous crimes tulad ng mga insidente ng pamamaril.

--Ads--

Samantala, iginiit din ni Atienza na dapat namang mabigyan ng pagkilala at parangal ang mga pulis na maayos ang performance sa kanilang tungkulin.

Ayon sa kanya, napag-usapan din sa kanilang isinagawang pagpupulong kamakailan na iikutan ng Isabela Police Provincial Office ang lahat ng mga istasyon ng pulisya upang alamin kung totoo ang mga isinusumiteng accomplishment report at matiyak na hindi lamang ito gawa-gawa.