Magsasagawa ngayong araw, Miyerkules, Mayo 27 ng unang status conference ang International Criminal Court (ICC) sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs.
Ayon sa ICC, tatalakayin sa pagdinig sa The Hague, Netherlands ang ilang mahahalagang usapin kabilang ang posibleng petsa ng pagsisimula ng paglilitis, paglalabas ng ebidensya, proteksyon sa mga testigo, at partisipasyon ng mga biktima.
Isasagawa ang hearing sa tatlong session mula 3:30 p.m. hanggang 10:00 p.m. (oras sa Pilipinas). Hindi personal na dadalo si Duterte matapos aprubahan ng Trial Chamber III ang kanyang kahilingan na lumiban, basta’t nagsumite ng nakasulat na waiver ang kanyang kampo.
Kakatawan sa kanya ang kanyang bagong legal team na binubuo nina counsel Peter Haynes at associate counsel Kate Gibson.
Tatalakayin din sa pagdinig ang mga usapin sa disclosure ng ebidensya, paggamit ng naunang testimonya, language interpretation, witness protection, at mga hakbang para sa partisipasyon ng mga biktima.
Ang naturang status conference ay itinuturing na procedural ngunit inaasahang magtatakda ng direksyon at bilis ng mga susunod na hakbang sa kaso.











