--Ads--

Nakalulungkot para sa ilang botante ang pagpapaliban sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na sana ay idaraos ngayong taon.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326 na naglilipat sa susunod na regular na BSKE ang halalan na nakatakda sana sa Nobyembre 2, 2026.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Martin Asuncion, sinabi nitong nakalulungkot ang naturang desisyon dahil inaasahan ng mga botante ang halalan upang magkaroon ng pagkakataong pumili ng mga bagong lider sa kanilang barangay.

Ayon kay Asuncion, hindi lamang mga kandidato ang naghihintay sa naturang halalan kundi maging ang mga botante na umaasang magagamit ang kanilang karapatang bumoto at pumili ng mga opisyal na nais nilang mamuno at magsilbi sa kanilang komunidad.

--Ads--

Bagamat nauunawaan naman niya na may mga dahilan sa likod ng pagpapaliban ng halalan, hindi umano maiiwasang madismaya ang ilang residente dahil hindi na sila makapipili ng mga bagong opisyal ngayong taon.

Binigyang-diin ni Asuncion na mahalagang mabigyan ang mga mamamayan ng pagkakataong pumili ng mga lider na kanilang pagtitiwalaan sa kanilang barangay.

Samantala, sinabi niyang dapat gamitin ng mga kasalukuyang opisyal ang karagdagang panahon sa pagpapatuloy ng kanilang mga programa at pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.