Ipagpapatuloy pa rin ng Election Watchdog na Kontra Daya ang pagtutol sa hakbang ng pamahalaan na ipagpaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) Kahit ito’y ganap nang naisabatas kahapon, matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act. 12326.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, sinabi nito na hindi katanggap-tanggap ang palagiang postponement ng BSKE dahil tila hindi ito sineseryoso ng pamahalaan.
Hindi maiwasang kuwestiyunin ni Arao ang proseso ng naturang pagpapaliban. Aniya, handa na ang karamihan sa publiko na bumoto sa Nobyembre subalit ipinagpaliban na naman ito.
Ayon kay Arao, bahagyang nakakabahala para sa mga Sangguniang Kabataan ang term extension dahil maaaring ang ilan sa kanila ay over age na, may mga posibilidad din aniya na hindi na matutukan ng ilan ang youth council governance dahil busy na ang mga ito sa pag-aaral.
Dahil dito, magpapatuloy ang Kontra Daya sa pagsasagawa ng public engagement upang i-challenge ang ginagawa ng gobyerno hinggil sa mga polisiya na hindi umano dumadaan sa tamang proseso.
Makikipag-ugnayan din sila sa iba pang mga grupo upang pag-usapan ang mga gagawing hakbang sa pag-kuwestiyon sa naturang batas.
Nawawalan kasi aniya ng oportunidad ang mga residente na pumili ng bago at mas maayos na lider na na magbibigay ng direktang serbisyo sa komunidad.











