Bahagyang nahirapan sa pag-operate sa mga Automated Counting Machines (ACM) ang mga Electoral Board sa isinagawang Final Testing and Sealing sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arthur Anog, Electoral Board Poll Clerk, sinabi niya na bahagya silang nahirapan sa pag operate ng makina dahil ito ang unang pagkakataon na gagamitin ito sa bansa.
Na-challenge lamang aniya sila sa pag set-up subalit nang mapaandar na ito ay naging maganda at mabilis naman ang kinalalabasan at wala namang problema sa mismong makina.
Maging ang diagnostic test ay tiniyak na maisasagawa upang masuri naman ang mga headphone na gagamitin ng mga impaired individuals.
Aniya, mas maganda na ngayon ang ACM dahil mas napapadali na ang pag boto.
Sinubukan rin ng mga botante na sobrahan ang kanilang pag boto para malaman kung lalabas sa receipt o election returns ang resulta at na detect naman ng makina ang mga over vote.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng malaking mall sa Cauayan City na magiging maayos at komportable ang magiging pagboto ng mga residente sa District 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Assistant Mall Manager Rowinson Valmonte, sinabi niya na mayroon na silang koordinasyon sa mga barangay officials at LGU officials para sa security ng mga balota at mga botante.
Sa May 12 ay magbabantay din sa lugar ang Rescue Team at PNP personnel sakaling mayroong medical concern ang mga botante.
Sa ngayon ay itatago na rin ang mga election paraphernalia sa isang room lamang upang hindi ito mahawakan ng mga hindi otorisadong indibidwal.