--Ads--

Kinuwestiyon ng isang constitutional law expert ang planong pagpapatuloy ng ilang senador sa Senate committee hearings sa gitna ng special session ng Kongreso at kasabay ng nakabinbing impeachment proceedings.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional law expert, sinabi nito na maaaring magkaroon ng legal at ethical na isyu kung ipagpapatuloy pa ng ilang komite ng Senado, kabilang ang Blue Ribbon Committee at Committee on Ethics, ang mga pagdinig na wala nang malinaw na basihan o awtoridad.

Ayon kay Atty. Cayosa, maging ang ilang empleyado ng Senado ay hindi umano naglalabas ng opisyal na records kaugnay ng mga naturang hakbang dahil sa mga katanungang legal na kaakibat nito.

Binigyang-diin niya na nakapagtataka at nakalulungkot umano na may mga anunsyo hinggil sa mga alegasyon laban sa ilang personalidad na hindi nagmumula mismo sa mga senador o opisyal na chairman ng komite kundi sa ibang indibidwal.

--Ads--

Aniya, mas makabubuting ituon ng Senado ang kanilang panahon at atensyon sa mga mahahalagang usaping dapat talakayin sa special session at sa iba pang mandato nito sa halip na magpatuloy sa mga aksyon na maaaring magdulot lamang ng kalituhan.

Kaugnay naman ng mga alegasyon laban sa tinatawag na mga “bagman,” sinabi ni Atty. Cayosa na hindi naman nawawalan ng pagkakataon ang sinuman na ilahad ang kanilang impormasyon sa pamamagitan ng press conferences at iba pang pampublikong plataporma.

Gayunman, iginiit niya na iba ang paggamit ng opisyal na proseso ng Senado, na dapat aniyang gamitin lamang sa mga usaping saklaw ng kapangyarihan at mandato nito.

Ayon pa sa abogado, mahalagang masusing beripikahin at i-double check ang lahat ng impormasyon bago ito ilahad sa publiko upang hindi makadagdag sa kalituhan at hindi makompromiso ang integridad ng anumang imbestigasyon.

Samantala, hinimok ni Atty. Cayosa ang publiko na manatiling mapanuri sa mga impormasyong kanilang napapanood at nababasa, lalo na sa social media at iba pang online platforms.

Aniya, hindi dapat basta-basta paniwalaan ang mga pahayag mula sa mga pulitiko, vloggers, opisyal o iba pang personalidad nang hindi sinusuri ang katotohanan ng mga ito.