--Ads--

Iniimbestigahan na ng Philippine Embassy in Abu Dhabi ang ulat na may ilang Filipino na naaresto sa United Arab Emirates (UAE) matapos umano silang mag-post at magbahagi ng online content kaugnay ng Iranian attacks sa bansa.

Batay sa mga ulat, dalawang Filipino ang kabilang sa 25 katao na inaresto matapos magbahagi ng video ng strike ng Iran at ng air defense interceptions ng Abu Dhabi.

Binigyang-diin ng embahada na iginagalang nila ang soberanya ng UAE at ang mahigpit na pagpapatupad nito ng mga batas na may kaugnayan sa national security, cybercrime, at public order.

Pinayuhan din ang mga Filipino sa bansa na maging maingat sa paggamit ng social media at iwasang mag-record, mag-post, o magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon. Hinikayat din silang umasa lamang sa opisyal na pahayag ng mga awtoridad ng UAE o sa lehitimong mga ulat ng balita.

--Ads--

Samantala, nagpaalala rin ang Philippine Embassy in Manama na may umiiral na batas sa Bahrain na nagbabawal sa pagkuha, pag-record, o paglalathala ng pribadong eksena ng isang tao nang walang pahintulot. Ayon sa embahada, ang paglabag dito ay maaaring magresulta sa parusang hanggang limang taong pagkakakulong at multang aabot sa 5,000 Bahraini dinars.