--Ads--

Nanawagan si Senator Panfilo “Ping” Lacson na dapat isagawa nang batay sa ebidensya at walang anumang hadlang ang imbestigasyon sa mga flood control project sa bansa.

Kasunod ito ng pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tinangka umano ng isang tauhan ng Taguig City Hall na pigilan ang mga imbestigador ng Ombudsman sa pagsasagawa ng drone operation para kunan ng larawan ang isang lugar na iniimbestigahan.

Sa social media post, sinabi ni Lacson na nagpapakita umano ng kakulangan sa kaalaman sa proseso ng imbestigasyon ang mga naging pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano kaugnay sa flood control probe.

Ayon kay Lacson, dapat maging deliberate, methodical at thorough ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control at iba pang kumplikadong kaso ng katiwalian, at hindi dapat minamadali o isinasagawa nang pabaya.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Cayetano na kaya niyang sagutin nang isa-isa ang mga alegasyon ni Lacson ngunit mas nais muna niyang ituon ang pansin sa agarang pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na ng mga biktima ng pagbaha.

Iginiit din ni Cayetano na sa nakalipas na tatlong buwan ay puro akusasyon umano ang inilalabas laban sa mga proyekto ngunit wala pa ring naipapakitang tunay na ebidensya.

Nauna nang sinabi ni Remulla na isang empleyado ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang nagtangkang pigilan ang mga imbestigador ng Ombudsman na magpalipad ng drone para kunan ng larawan ang lugar.

Sa panig naman ng Taguig City Government, nilinaw nitong hindi nito hinadlangan ang imbestigasyon ng Ombudsman.

Ayon sa lokal na pamahalaan, namataan ng kanilang Public Order and Safety Office ang isang itim na pickup truck na nakaparada sa C-6 Road, kung saan may mga taong nakasuot ng civilian clothes at nagsasagawa umano ng drone operation.

Nagkaroon ng mainitang palitan sa pagitan ng magkabilang panig matapos magpakilalang mula sa Office of the Ombudsman ang mga sakay ng sasakyan.

Dinala ang magkabilang panig sa isang police station kung saan nagkaroon ng kasunduan at walang isinampang reklamo.

Iginiit ng Taguig LGU na ginagawa lamang ng kanilang mga tauhan ang kanilang tungkulin upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga residente.